Monday, April 21, 2008


Patintero

“Grew up in a small town
And when the rain would fall down
I'd just stare out my window
Dreaming of what could be
And if I'd end up happy
I would pray”

Dama ko ang bigat ng mga bagaheng tangan ng aking mga braso ngunit lubhang mas mabigat ang sakit na nadarama ng aking puso. Unti-unting naglalakbay ang mga butil ng aking luha patungo sa aking mga mata. Nauulinigan ko ang alingawngaw ng mga butil na nag-aambang tumulo anumang oras mula ngayon sa aking pagkakatayo.

Sa amba ng aking pagluha, lumingon ako sa mundong sumusukob sa akin. Ang bawat alaala ko sa mundong ito, ngayo’y aking ilalagak na sa aking balintataw.

Binuhay na ang makina ng bus na magdadala sa akin sa dulo ng aking sisimulang lakbayin. Ang aking mga mata…ang aking mga luhang nag-uunahan sa pagdaloy.

Lalong humigpit ang aking pagkapit sa hawakan ng aking bagahe. Dama ko ang panginginig ng aking buong kalamnan at ang panghihina ng aking mga tuhod.

Muling namuhay sa aking isipan ang mga alaalang aking ipinunla’t pinagyabong sa mundong ito kasama ang mga taong humulma sa kung ano ako ngayon; mga taong nagpinta ng masisiglang kulay sa aking buhay; at mga taong patuloy na nananahan sa aking puso.

“Trying hard to reach out
But when I tried to speak out
Felt like no one could hear me
Wanted to belong here
But something felt so wrong here
So I prayed I could break away”

Ang moog na yaon…moog na humulma sa aking kaisipa’t kakayahan upang maging handa sa isang panibagong kabanata ng aking buhay. Ang moog na yaon, isang lugar kung saan ko nakadaupang-palad ang mga nilalang na nagturo sa akin ng tunay na kahulugan ng pagkakaibigan.

Ang Zambales National High School…isang lugar na hindi ko inasahang mararating ko. Isang lunduyan ng dunong ng nagtiwala sa akin at aking hinandugan ng aking mga tagumpay sa larangan ng pamamahayag.

Ang SF Bldg., room 302…isang silid-aralang hindi-hindi mawawaglit sa aking isipan. Isang lugar na naging lunduyan ng pagkakaibigan ng buong IV-Newton. Ang lugar kung saaan aking pinunan ang aking pagkukulang sa aking sa kaibigan. Isang lugar na maaaring mapagkamalang “casino”, imbakan hg mga pariwarang mag-aaral na walang ibang alam gawin kundi ang magkwentuhan tungkol sa Spring Waltz at PBB imbes na sa paparatinng ng Long Quiz sa Physics at Anal Geom; estudyanteng ang hawak ay kumpul-kumpol na baraha imbes na Hamaka IV o Physics ni Navaza: at mga estudyanteng ang pinakikinggan ay ang iba’t ibang himig ng musika mula sa player ni Mj imbes na mga lessons ni Mam Talucad o ni Mam Orencia.

Ang buong IV-Newton…ang mga taong kasangga ko sa apat na taong pamamalagi ko sa moog na ito. Ang aking mga kaibigan, sina King, Mayo, Julie, Derick, Glenn, Imang, Edz, Danna, Dioyan at Mike. Hinding-hindi rin mawawaglit sa aking alaala ang mga pinakamamahal kong mga kaibigan na sina Banget (Dianne), Ruzeng, Ate (Monica), Katrina, Mj (Kristine Joy), Blu (Ronald), Pango (Cindy), Ger (Gerald), Neil at ang buong klase.

“Wanna feel the warm breeze
Sleep under a palm tree
Feel the rush of the ocean
Get onboard a fast train
Travel on a jet plane, far away”

Hindi ko pa nais umalis rito. Kay lakas ng tawag ng kundoktor sa mga pasaherong byaheng Cubao. Ang kanyang nakaiiritang paos na boses ay parang isang oyaying naghehele sa aking hapung-hapong puso. Batid kong matagal muling panahon ang aking hihintayin upang muli kong marinig ang kanyang tinig. Maraming oras pa ang kailangang lumipas bago ko muling madama ang hangin sa probinsya, ang hangin sa Zambales. Matagal na panahon din ang bibilangin bago ako magbalik sa lalawigang ito mula sa aking pagtahak sa mga gusali ng isang tanyag na unibersidad na nakalagak sa San Isidro, tangan ang kursong pinangarap ko noong ako’y isang musmos pa lamang.

Ang hangi’y malamyang umiihip sa aking maputing balat. Kay sarap talagang damhin ng hangin sa probinsya. Oo, maputi naman yata ang aking balat ngunit ayon sa aking mga kaklase, moreno raw ako. Si Flip MORENO, isa sa mga alaalang kay hirap bitawan.

Muli na namang naglakbay ang aking isipan. Muli kong tinahak ang daan pabalik sa mga kinalalagakan ng aking mga alaala sa buhay-hayskul.

Flip, Castillo, Jepoy…ilan lamang iyan sa mga katawagang hindi ko malilimutan.

Ang patintero sa ilalim ng punong mangga, ang larong hindi ko malalaro sa aking pamumuhay sa mas mataas na antas ng edukasyon sa unibersidad na yaon.

Ang soulja boy na lubhang humasa sa husay ko sa pagsasayaw, ang paglalakad sa kahabahan ng Danacbunga hanggang Palanginan kasama sina Ylistol at Gerald upang pumunta sa bahay nila Rochelle, ang pagkamit ng kampeonato sa Basketball League sa aming eskwalahan, Ang Royal Tru-ballers, ang pagdala ng mangga sa eskwela, at ang pamamalagi sa isang sulok ng aming room ay ang ilan lamang sa mga alaalang kay hirap iwanan.

“I'll spread my wings and I'll learn how to fly
I'll do what it takes til' I touch the sky
And I'll make a wish
Take a chance
Make a change
And breakaway
Out of the darkness and into the sun
But I won't forget all the ones that I love
I'll take a risk
Take a chance
Make a change
And breakaway”

Sa piling nga mga nag-uunahang luha, tinahak ko ang hagdan tungo sa loob ng airconditioned Victory Liner na may tatak na Cubao sa harap. Kay hirap maghanap ng silyang bakante sapagkat marami rin akong kasabayang tutungo rin sa panibagong mundong maaaring kumalinga sa kanila.

Sa aking pagkakaupo, muli akong sumulyap sa paligid. Muli kong minasdan ang rikit ng probinsya na matagal ko ring hindi maaapuhap.

Sa lambot ng silyang kumukupkop sa aking katawan, napadpad ako sa lambak ng mga panaginip. Dama ko ang saya ng aking pagtatapos. Ang langit ay namumukadkad sa dami ng mga nakaganyak na tala. Ang bawat dalisay na kulay ng aming toga ay naghahari sa buong quadrangle o madalas tawaging “I Love Zambales!”

Nadarama ng bawat selula ng aking katawan ang kasih=yahang tangan ng mga medalyang ito na nakasabit sa aking leeg – ang Best Contributer sa School Paper, Ang Dagitab.

Muling nanumbalik sa aking puso ang sakit ng aking paglisan. Ang lungkot na siyang sumusukob sa aking puso’y tulad mg kadiliman ng gabing nananahan. At ako, matapos magpaalam, matapos magpadaloy ng ilang litrong luha sa aking mga pisngi, matapos hagkan nang matagal ang mga taong yaon, ay lumisa’t tinahak ang magulong mundo ng kolehiyo.

“Buildings with a hundred floors
Swinging around revolving doors
Maybe I don't know where they'll take me but
Gotta keep moving on, moving on
Fly away, breakaway”

Nagulat na lamang ako nang ako ay nakatayo na sa harap ng kumpol ng tao suot ang puting damit at may lilang telang nakapatong na may nakaburadang “Philippine Air Transport and Training Services (PATTS)” Tinawag ang isang pangalan nang buong-lakas. “John Paul T. Castillo., Magna Cum Laude!” Sa una’y hindi ko kaagad napagtanto ang iniusal ng taong nasa entablado. Magna Cum Laude? Ako? Biglang hinawakan ng aking ina ang aking kamay at inalalayan ako patungo sa pinanggalingan ng boses na yaon. Sa entablado, natanggap ko ang isang medalyon, isang parangal sa aking pagtatapos bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Aircraft Maintenance Technology.

Isang kalabit ang pumukaw sa akin. Ang konduktor…hinihila na niya ang aking diwa mula sa aking paglalakbay sapagkat nasa dulo na pala ako ng aking lakbayin, nasa Cubao na ako, ang panibagong simula ng panibagong lakbayin at ang lugar na aking paglalagian sa susunod na anim na buwan. Nilisan na pala ng bus ang aking kinagisnang lalawigan, hindi ko man lang napagtanto.

Hindi ko nadamang nasa Maynila na pala ako. Ibang-iba ang lahat. Ang mga nakahihikang usok ng mga jeep at iba pang sasakyang dumaraan sa mga magugulong lansangan at ang mga nagtataasang mga gusali. Lubhang kakaiba.

Tangan ang aking bagahe, ako ay naglakad patungo sa boarding house ng aking pinsan na aking tutuluyan, Lombos St., San Isidro, Paranaque. Kay raming tao. Nakakatakot. Ang aking mga paa…tila kahit anong oras ay babalikwas pabalik sa terminal at sa Zambales. Takot ako. Hindi ko baltid kung paano ako magsisimula.

Katulad ng bilis ng takbo ng panahon ay ay takbo ng mga nag-uunahang jeepney na dumaraan sa aking harapan. Itaas ko pa lamang ang aking kamay upang pumara ay agad na itong nakalalampas sa aking harapan. Parang ang ilan sa aking mga pangarap – bago ko pa man lamang mahawakan, nakuha na ng iba. Halos limang minuto ang aking inilagi tabi ng overpass bago ako tuluyang makasakay sa isang kakarag-karag na jeepney na magdadala sa akin sa San Isidro, Paranaque City.

Lombos Avenue, San Isidro, Paranaque City… ang kinalalagakan ng institusyong aking pananahanan, isang panibagong moog na aking tatahakin upang bunuin ang aking buhay kolehiyo.Lubhang malapit sa aking pangarap, ang Airport. Kay raming tao rito. Lubhang kakaiba. Kasabay ng bilis ng kanilang paglalakad ay ang talas ng kanilang mga pag-iisip na lubhang hindi ko kayang sabayan. Nababanaag ko ang kapal ng kanilang mga suot na salamin. Lubhang kay layo ng agwat mula sa aking ginagamit upang maisaayos ang aking fluctuating eyes. Marahil ay 250/250 ang kanilang lens habang ang sa akin ay -100/+100 lamang. Tila hindi ko kayang lumabas sa institusyong ito ang buhay ta matagumpay at tila malabo ring maganap sa tunay na buhay ang mga pangyayari sa aking panaginip.

“Flip!” Isang malakas na sigaw ang nagnakaw ng aking pagtingin. Si Boboy pala ang pinanggalingan ng malakas ng boses na yaon. Ang kanyang boses ay tila ng napapahiwatig na kanya akong binabati sa aking pagpasok sa moog na kanyang tinatahak.

Hinila niya ang aking mga kamay at inilibot ako sa mundong ito. Kay rikit ng aking nakikitang likha ni Inang Kalikasan ngunit hindi ito tulad ng rikit na aking nakikita sa probinsya. Sa kanyang pagbitaw, tangan ko ang saya ng isang pagsisimula. Umupo ako sa isang silya na wala ni isang kilala sa aking paligid bukod kay Boboy na unti-unting lumalayo.

“I'll spread my wings
And I'll learn how to fly
Though it's not easy to tell you goodbye
I gotta take a risk
Take a chance
Make a change
And breakaway
Out of the darkness and into the sun
But I won't forget the place I come from
I gotta take a risk
Take a chance
Make a change
And breakaway, breakaway, breakaway

Bitbit ko ang aking makapal na aklat ukol sa Philippine Constitution habang ako ay unti-unting palabas sa campus na ito. Dama ko ang pagod sa aking mga tuhod habang naghihintay ng masasakyang jeep pabalik sa Apartment.

Ito pa lamang ang simula ng aking paglalakbay sa isang mas mataas na kalangitan ng buhay. Batid kong tila isang mahirap na pakikipagsagupa na muli ang aking pagdaraanan, isang pakikipaglaban na lubhang mas mahirap kumpara noong ako ay nasa ZNHS pa lang. Lalakbayin ko ang mundong ito nang malayo sa aking mga kaibigan, malayo sa mga taong minsang nagsilbing aking mga inspirasyon.

Batid kong kailangan ko’y mamuhay mag-isa at kailangan kong magtagumpay sa anumang tamang paraan na maaaring pumasok sa aking isipan. Makakamit ko rin ang aking pangarap na magtrabaho sa NASA at kumita ng malaking pera. Magtatagumpay ako kahit ilang pagsubok man ang humarang sa akin. Makakapasa ako sa anumang exam.

“Si Johnel!!!!!!!!!!!!!!!!!!!”

Isang malakas na sigaw ang nagpanumbalik sa aking diwa mula sa pagkakakulong sa amundo ng imahinasyon. Ang mga katagang yaon ang nagmulat sa aking mga mata sa nagaganap sa paligid.

Bumalikwas ako at hinarangan si Johnel dahil “hangga’t may Johnel, may pag-asa…ang kalaban!”

Naku! Akalain mong gumagana pa ang aking imahimasyon sa gitna ng paglalaro namin ng patintero. Ngunit parang totoo ang mga nangyari. Ang bawat luhang aking binitawan at sakit na naramdaman. Ang aking panyo…basang-basa. Hindi ko lang nga mawari kung luha o pawis.

Ang mga mukhang yaon, hinding-hindi ko malilimutan – silang mga naging kalaro ko ng patintero. Silang nagturo sa akin kung paano ba dapat harapin ang bawat pagkabigo at kung paano magsaya sa bawat tagumpay.

Lulubus-lubusin ko ang bawat araw dahil sa kolehiyo, wala nang patintero…


maalala mo kaya?

sa aking paglisan, tanaw ko ang mga
nagdaan..
tila kahapon lamang nang una tayong
nagkakilanlan..
mga alaala ng kahapong ating kinawilihan..
mga alaalang kailanma'y hindi malilimutan..

apat na taon ang ginugol sa loob ng
kwartong ito..
nasubaybayan nating lahat mga tagumpay
at mga pagkabigo..
siyempre, pati na rin ang mga sakit at
mga saya..
mga pambabara, mga pangongopya, mga
pagdadrama at maging ang pag-iisa ni
radowena..

salamat kaibigan at ika'y aking naasahan..
lagi kang nanjan, di mo man lang ako
pinabayaan..
taas aking noo, palagi akong suportado
sa anumang larangan ika'y laging nandito..
"1/4 nga?" "o,ballpen meron ka?"
"scratch?" at maging "mike,papel mo di
ko makita!!?

madaming taon na ang nagdaan,
nasubaybayan ang lahat..
dahil dito sa akin ay nananatili ka pa
ring tapat..
ang jingle contest, dalawang taon yun,
gabi na kung umuwi..
pero, masaya pa naman kahit masermunan
ng magulang pag-uwi..

ayoko sana maging madrama at
magmistulang kaawa-awa..
ngunit ang sabihing "paalam na", ang
bagay na hindi ko magawa..
nasubaybayan natin ang pagalis nila anne
nieves gaspar, ylisol coloma at precious
gem mendoza..
kung tayo man ay kanilang iniwan sa
puso't isipan naman natin sila'y di
nalimutan..

mga karanasang hatid ng mga kaibigan natin..
ang pagbabagong buhay ni flip..
ang pagtanggal ng bigote ni king..
at ang mga bagong loveteam??
lahat ito nagawa at naisakatuparan dahil
pilit niyong binago ang bawat sa amin..

nung una akala ko hindi aabot sa ganito..
akala ko hindi ako iiyak pag nawala kayo..
mali pala ako..
mali ang hinila..
nang dahil sa 4-NEWTON, ang buhay ko ay
naiba..
ang buhay na walang kulay noon..
animo'y parang bahaghari na ngayon..

ang mga grupong binuo ng panahon..
ang jhaiters, ang clampp, ang shouting
girls at ang romo..
lahat ito'y pinagtibay at pinatatag ng
pagkakaibigan na kailanma'y di lilisan
sa ating mga puso't isipan..
huwag nating kalimutan ang mga
masasayang pinagsamahan natin sa loob at
labas ng paaralang ito..
tawanan..
walang humpay na kwentuhan..
walang sawang asaran..
at siyempre, di mawawala ang tampuhan..
lahat ito'y sana wag makaligtaan..
ang tropang sa zambales national high
school natin sinimulan..

lakas ng loob ang tanging sandata..
tiwala sa sarili ang nagsilbing baluti..
liwanag ng kandila ang nagsilbing mata..
haharapin ang panganib sa harapan ay
nakaamba..


heto ka na naman
nakatayo sa aking harapan
ano ba ang gusto mong sabihin?
mayroon ba akong nagawang mali sa iyong
paningin?

araw araw nalang nakatayo
sa harapan ko't mukhang tuliro
ano ba talaga ang gusto mong sabihin?
sinasabi mo bang ako'y patawarin?

ngayong nalaman ko na
kung bakit araw araw ka sa akin nagpapakita
ika'y aalis at hindi na muling babalik
heto't pagbabaunan kita ng halik

hiling ko sana'y huwag ka nang umalis
dahil mga alaala mo'y aking maaalala
ito'y nagpapatunay na
sa akin ika'y mahalaga

kaibigan ko
ingatan mo ang sarili mo
sa iyong paglisan
pakatandaan mo na mahal kita ng labis

naging masaya ako at kayo'y naging parte
ng buhay ko..
at sana'y ganun din ang naramdaman niyo..
paglisan sa eskwelahang ito ang aking
pinangangambahan..
pag-alis natin kaya..
ako pa ay inyong maalala???